
Sa estatwang ito makikita natin na sa isang kamay may hawak na libro si Rizal, samantalang ang isa ay nakapatong sa balakang–nagpapakita ng isang matuwid, nakatitiyak, at makapangyarihang pustura. Para sa amin, makikita ito sa tatlong paraan.
Una, ipinapahayag nito ang mensahe ni Rizal na mahalaga ang edukasyon sa direksyon ng kasalukuyan at kinabukasan. Sa paglagay niya nito sa kanyang harapan, at sa pagturo ng kamay niya sa isang tuwid na direksyon, naipapakita niya kung gaano kahalaga na matuto ang mga Pilipino.
Ikalawa, ito ang kanyang nais na iwan na mensahe sa bayan sa kanyang pagkamatay. Sa pagbuklat niya ng libro, pinapakita niya na ang edukasyon ay bukas sa lahat–na ito’y dapat mapakinabangan nating lahat. Kumbaga ay ipinamamana niya sa atin ang lahat ng kanyang natutunan at pati ang sarili niya, upang tayo ay matuto sa kanyang mga karanasan at sa kanyang pagpapahalaga sa edukasyon.
Ikatlo, ang libro, na sumisimbolo sa edukasyon, ay paraan ng paglaban. Ang lugar kung saan nakaposisyon ang estatwa ay napapalibutan ng mga palatandaan ng pagkakulong ni Rizal noong panahon ng mga Kastila. Pwede ring makita ang estatwa na ito na isang mensahe na sa gitna ng lahat ng ito, at sa pagkakulong ni Rizal, isang sandata ang libro na sumisimbolo sa edukasyon o enlightenment.