Iba’t-iba at Iisa

IMG_6005 (1)

Noong umaga ng hapong ito, nanggaling kami ng Binondo dahil doon nakatira ang isa naming kagrupo na si Michiko, at doon namin hinanap ang dating kinatatayuan ng bahay ni Kapitan Tiago. Sa Binondo, masisikip ang mga kalsada at magkakasunod ang mga gusaling lagi’t laging may bahid ng pagka-Intsik. Sa aming paglalakad sa Binondo, maraming beses na may humirit mula sa grupo na para kaming wala sa Pilipinas, dahil maraming mga eskinita na para talagang Hong Kong. Syempre, ang Binondo ay hindi laging ganito. Noon ay dito nakatira si Jose Rizal noong nag-aaral siya sa Ateneo, at dito rin nakatayo ang bahay ni Kapitan Tiago sa Noli Me Tangere. Nasa gitna ito ng Maynila, at wala nang mas Filipino pa noong panahon ng pagsakop ng espanyol. Ngayon, ito na ay tanda ng impluwensiya ng dayuhang kultura.

Pagtawid lamang sa isang tulay ay mararating ang Intramuros, na tila ibang mundo. Dito nakatayo ang Fort Santiago na puntahan ng mga turista para matutunan ang kasaysayan ng Pilipinas, lalo na ang buhay at pagkamatay ni Rizal. Dito rin binibisita ang iba’t ibang lilok at gusali na bantayog ng pagka-Pilipino.

Interesanteng mapagtanto ang lugar kung saan itong dalawang bayan ay nagkakasalubong; kung saan makikita ang Binondo mula sa pananaw ng Intramuros, mula sa pananaw ng Fort Santiago. Kita rin sa retrato ang malinaw na pagkakaiba ng dalawang lugar na pinamamagitan ng Ilog Pasig. Sa palagay namin dito rin nagkakasalubong ang marami, iba-iba at mayamang kasasayan ng Maynila na sa katotohanan ay iisa lang. Iba’t ibang kuwento, salaysay at perspektibo; maaaring nasyonalista, kolonyal, maka-Intsik, o kahit ano pa, pero lahat ay bumubuo sa iisang Maynila.

Leave a comment