
Naisipan ng grupo sundan ang mga huling yapak na tanso ni Jose Rizal upang matunton ang estatwang nakalarawan. Napansin naming pinamagatan ang maikling sulatin tungkol rito na “The Last Walk to Martyrdom” upang ipakita ang huling martsa ni Rizal mula sa kanyang selda sa bilangguan ng Fort Santiago hanggang sa Bagumbayan kung saan siya binaril.
Sa kabila ng magandang kasuotan ay mamamasdan ang kalunos-lunos at nakakaawang hitsura ng estatwa ni Rizal. Nakagapos ang kanyang mga kamay at paa at halatang hindi siya madaling makagagalaw o makatatakas. Ngunit, ang tindig ng nasabing estatwa ay tila ba handang gumalaw o kumilos anumang oras. Kapansin-pansin na walang barya sa paanan o sa paligid ni Rizal. Sa katunayan, nagtaka ang grupo kung bakit magkakaroon ng mga barya rito.
Wala mang baryang nasa paanan ng bayani, malaki pa rin ang angking kahalagaan ng kanyang huling mga yakap patungo sa kanyang kamatayan sapagkat patunay ito ng kanyang katapangan sa pagtanggap sa kanyang kapalarang ihandog ang kanyang buhay para sa kanyang minamahal na bayan.