Sa Loob ng Intramuros

Ang aming propesor ay may pinahanap na mga lugar sa loob ng Intramuros. Narito ang ilan sa mga lugar na iyon at ang aming mga napagnilayan:

 

REAL

IMG_6093 (1)
Sa aming hitsura ay ipinapakita namin kung ano ang ibig-sabihin ng salitang “real”

Marami kaming nadaanang mga dingding na may salitang “real” habang kami ay umiikot sa Intramuros ngunit hindi namin makita agad ang eksaktong nasa larawan. Nang kami’y nagtanong na sa mga tao sa pailigid, nalaman naming marami palang mga kalye ang may pangalang “real” sa loob ng Intramuros.

Matapos ang ilang pagiikot at pagtatanong mula sa iba’t ibang tao, nahanap na rin namin ang eksaktong lugar tulad ng nasa larawan. Napagtanto rin namin na ang pagkakaroon ng real na estado ay mahalaga noong panahon ng Kastila sapagkat ibig-sabihin ay ikaw ay may posisyon, kapangyarihan, at kakayahang makaimpluwensiya sa marami.

 

Ateneo

IMG_6090 (1)
Ginaya ng aming grupo ang pustura ni Rizal sa larawan niya sa Ateneo

May kaunting kalayuan din ang aming nilakad bago namin narating ang lugar na dating kinatatayuan ng Ateneo de Manila. Naglakad kami patungong Anda St. para makita ang orihinal na building kung saan nag-aral si Rizal noon ngunit pagdating rito ay nalaman namin mula sa marker na nasunog at tuluyang nasira na pala ito mula pa noong 1932. Napansin din namin na ngayon pala ay mayroon nang isang malaking puting tent ang Department of Tourism dito.

Habang ginagaya ang itsura ni Rizal sa retrato niya noong nag-aaral pa lamang siya rito, aming napag-usapan na marahil ang kanyang amerikana at kurbata ay tulad din ng kasuotan na uso sa mga estudyante noon at siguro ang kanyang naging karanasan sa pag-aaral niya sa Ateneo ay tulad din sa aming mga naranasan nang kami’y nag-aaral ng hayskul. Tulad namin, tiyak na may mga asignaturang nahirapan din siyang aralin at may mga guro rin siyang mga naging paborito. Naisip namin na bagaman may mga masama siyang mga karanasan rito tulad ng diskriminasyon mula sa kanyang mga kaklase at mga propesor, nagkaroon din naman siya ng mga magagandang alaala rito. Isa na siguro rito ang nakita niyang kahalagahan ng edukasyon pati na rin ang pagkatuto niyang maging matatag kahit ilang ulit siyang hinila pababa. Naiwan sa amin ang katanungang kung sa kasalukuyan kaya makikilala pa rin ba niya ang Ateneo ngayon kahit marami nang taon ang nagdaan.

 

Mga Pangulo

IMG_6101 (1)
Mariing kinukundena ng aming pangkat ang Martial Law sa panahon ni Pangulong Marcos

Ilang minutong paglalakad lamang at nakita na rin namin agad ang mga mukha ng mga nagdaang presidente ng bansa. Nagulat ang aming grupo nang makita ang tila “Hall of Fame” ng mga pangulo ng Pilipinas. Sa pagmamasid ng mga artwork na ito, kita ang intrinsic design na inilagay ng mga artist at ang pagkakahalintulad ng kanilang mga hitsura sa mga artwork. Aming naisip na sana’y sa pagbisita ng mga tao rito hindi lamang nila alalahanin ang mga nagawa at mga proyekto ng mga ito kundi ay magkaroon din ang mga tao ng kritikal na ebalwasyon sa mga naging desisyon ng bawat isang pangulo sa kanilang termino dahil bawat isa sa mga ito ay may kani-kanilang kakulangan at kamaliang nagawa na may malaking epekto sa takbo ng ating bansa ngayon.

Nakababahala rin na habang tinitignan namin isa-isa ang mga larawan, nahirapan kaming pumili ng presidenteng pinakakinamumuhian sapagkat lahat sila ay nagkaroon ng kani-kanilang kontrobersya at maling mga desisyon. Ang hirap pumili sapagkat karamihan ay hindi kanais-nais ang naging administrasyon. Naisip namin na mula sa kasaysayan ay kitang-kita naman ang kalidad ng mga presidenteng ating binoboto, sila ay may “appeal” kumbaga sa mga tao ngunit kaduda-duda ang kanilang kinikilos. Minsan ay napapaisip na lang kami kung bakit ba ang ilan sa mga ito ay nanalo. Tunay nga sigurong repleksyon ng mga botante ang kanilang mga binoboto  at malinaw na hindi pa rin natututo ang mga botante sa kasalukuyan. Naiwan na lamang sa aming isipan ang katanungang dadating pa kaya ang panahon kung saan ang maihahalal ay tunay na magdadala ng pagbabago sa bulok na sistema ng ating gobyerno o hanggang ganito na lang ba tayo.

Leave a comment